ISANG HAKBANG LANG NAMAN ANG KAILANGAN
Sabi nila, "Those people who love to see, draw or take pictures of long, continuous roads are the ones who have a better outlook in life -- usually hopeful or courageous ones -- because roads portray forward movement and destination."
Habang patuloy kong binabagtas ang daan sa aking paglalakbay patungo sa aking patutunguhan, hindi ko maiwasang lumingon pabalik sa nakaraan kung saan ko binuo ang mga desisyong nagturo sa akin patungo sa kinalalagyan ko ngayon. Sa bawat paglingon at panandaliang pagmumuni-muni ay malalim na buntong hininga na dala ng mga saloobin na may halong pagsisisi. Pagsisisi hindi sa mga bagay na pinaninindigan ko pa rin hanggang ngayon. Kundi sa mga bagay na kung maibabalik ko lamang ang kahapon ay mas pipiliin kong mag-isip ng hindi lang base sa emosyon at katayuan ko noong pinili ko ang hindi ko na ikinatutuwa ngayon at piniling hindi piliin ang mga bagay na asamin ko man ngayon ay habangbuhay ko nang hindi mababalikan.
Ako ay tila pakunwaring naglalakad lamang sa tinatahak kong daan. Dahil sa bawat pag-angat ng aking paa upang subukang humakbang, ito ay bumabagsak lang din sa dati nitong kinalalagyan. Ang bawat tangkang paghakbang ay pagpapakita lamang na ako'y ay humihinga ngunit hindi nabubuhay; gumagalaw ngunit matagal nang nakahimlay.
Maaaring naiwanan ko ang aking sarili sa parte ng daan na hindi ko kayang bitiwan. Kaya hanggang ngayon ay nag-aantay pa rin na inaantay ko ang aking sarili bago muling pasulong na humakbang. Sabi nila, "Hindi naman masamang balikan ang nakaraan, lalo na kung may mga aral na pwedeng matutunan." Pero parang may mali, dahil sa aking pagbalik sa nakaraan ay nakita ko ang aking dating sarili at hindi ko naiwasang mainggit. Paano siya naging masaya habang ako ay nahihirapang magpatuloy pa? Bakit parang ...
Itutuloy.